Home NATIONWIDE ‘Barbie’ naka-ban sa Vietnam; pelikula, sasalain ng MTRCB

‘Barbie’ naka-ban sa Vietnam; pelikula, sasalain ng MTRCB

MANILA, Philippines– Susuriin ang pelikulang “Barbie” para sa rating and classification ngayong Martes, ayon kay Movie and Television Review and Classification Board chairperson Lala Sotto.

Ito ang inihayag ni Sotto nang tanungin ang MTRCB kung iba-ban din ng Pilipinas ang pelikula dahil sa pagpapakita ng mapa kung saan tampok ang nine-dash-line ng China sa South China Sea.

“We confirm that the film ‘Barbie’ under Warner Bros. F.E. Inc. will undergo MTRCB rating and classification tomorrow, July 4,” pahayag ni Sotto nitong Lunes.

“In connection thereto, the MTRCB assures the public that as with any material rated by the Board, the film shall undergo a fair and thorough review in accordance with Presidential Decree No. 1986,” dagdag niya.

Nang tanungin kung kaugnay ng ban sa Vietnamn ang MTRCB review, sinabi ni Sotto na nag-apply ang local distributor sa MTRCB ng request para sa rating and classification.

“And tomorrow, July 4th, is the scheduled review date. Hope this clarifies your query,” sabi ni Sotto.

Batay sa ulat, ipinagbawal ng Vietnam ang domestic distribution ng live-action film dahil sa isang scene kung saan makikita ang isang mapa na ng inaangking teritoryo ng China sa SCS.

Ginagamit ang U-shaped “nine-dash line” sa Chinese maps upang ipakita ang pag-angkin nito sa malawak na bahagi ng South China Sea, kabilang ang itinuturing ng Vietnam na continental shelf nito.

Nakatakdang ipalabas ang “Barbie” sa Philippine cinemas sa July 19.

Matatandaang inalis ng MTRCB  ang action-adventure film “Uncharted” mula sa Philippine cinemas at ipainag-atas sa Netflix na alisin ang ilang episodes ng spy drama “Pine Gap” dahil sa ilang tagpo na nagpapakita ng nine-dash line map ng China.

Inaangkin ng China ang bahagi ng South China Sea base sa nine-dash-line map.

Noong 2016, pinawalang-bisa ng international court sa The Hague, Netherlands ang pag-angkin ng Beijing sa nabanggit na teritoryo.

Pinagtibay sa ruling ang claims ng  Pilipinas batay sa exclusive economic zone nito alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Hindi nakilahok ang Beijing sa legal proceedings at patuloy ang hindi pagkilala sa desisyon ng arbitral tribunal. RNT/SA