Bulacan – Lubog sa baha ang maraming mababang lugar sa lalawigang ito matapos magsalubong ang tubig ulan mula sa Habagat at high tide nitong madaling araw ng Linggo, Agosto 9.
Sa ulat, nasa taas na 4.3 feet ang high tide bandang 5:34 ng umaga ang lumusob sa mga mababang lugar sa ibat-ibang bayan kasabay ang malakas na buhos ng ulan dulot ng habagat.
Ayon sa ulat at habagat weather update ng DOST-PAGASA, nagbabala ito sa posibilidad ng malalakas at matinding pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon (Habagat), batay sa Weather Advisory No. 30 na inilabas nitong 5:00 ng umaga ng nasabing araw at petsa.
Dahil dito, lubog na ang maraming mababang lugar sa bayan ng Calumpit partikular ang ilang bahagi ng Brgy. Meysulao, San Miguel, Frances at mga karatig lugar.
Gayundin ang ilang mababang lugar sa bayan ng Hagonoy, Paombong, Malolos, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan, Obando at iba pang baybaying lugar.
May impormasyong hindi na madaanan ng maliit na motorista ang pagitan ng Panginay Guiguinto at Panginay, Balagtas na nagdudugtong sa bayan ng Bulakak at Balagtas dahil sa lalim ng baha.
Hindi na rin umano madaanan ang kahabaan ng mababang lugar ng Brgy. Taliptip na nagdudugtong naman sa bayan ng Bulakan at Obando dahil sa lalim ng baha.
Sinasabing kung patuloy na magsasalubong ang ulan mula sa Habagat at 4.6 feet high tide nitong Lunes, 4.9 feet ng Martes, 4.9 ng Miyerkules, 4.9 feet ng Huwebes at 4.6 feet ng Biyernes ay magpalatuloy ang baha sa mga nabanggit na mababang lugar. Dick Mirasol III