MANILA, Philippines – Sasampahan ng kaso ng robbery by extortion kaugnay ng umano’y paglabag sa Cybercrime Prevention Act si online media network founder Franco Mabanta at apat pang indibidwal matapos ang entrapment operation na may kaugnayan sa umano’y P300-milyong payoff demand kay dating House Speaker Martin Romualdez, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakabatay ang kaso sa ebidensyang nakalap sa operasyon at nilinaw na kriminal na gawain ang tinutugis ng ahensya, hindi ang pampulitikang opinyon o pamamahayag.
“What we investigate are crimes,” pahayag ni Matibag. “So ‘yung paggamit ng weaponizing social media to gain financial gain illegally by extortion, we go after that,” dagdag niya.
Ayon sa NBI, sangkot umano sa modus ang pagbabanta na maglalabas ng mga video na makasisira sa reputasyon ng complainant kapag hindi nagbayad.
“May 5 magre-release sila ng part one ng video,” ani Matibag.
Sinabi rin ng NBI na nagsimula ang negosasyon isang taon na ang nakalipas at muling nabuhay dalawang linggo bago ang operasyon sa pamamagitan ng kinatawan ng complainant, kung saan ang halagang pinag-uusapan ay mula sa mas mababa ay umabot sa P350 milyon bago naging “take it or leave it” na P300 milyon.
“Kasi a year ago, mababa lang ang amount. Pero through the representative ng complainant two weeks ago, it ballooned to P350 million,” ani Matibag.
Ayon sa NBI, naging komplikado ang operasyon nang tumanggi umano ang pangunahing suspek na personal na tanggapin ang pera.
“Ang problema lang, ‘yung subject ayaw niyang tanggapin ‘yung pera personally,” dagdag niya.
Lumipat ang operasyon sa Pasig City kung saan isasagawa sana ang transaksyon, at dito umano naabutan si Franco Mabanta na naging dahilan ng kanyang pag-aresto kasama ang iba pa.
“To our surprise, nandu’n din ‘yung subject, si Franco,” ani Matibag. “That’s the time we declared the arrest of the subject, including other individuals apparently kasama niya in conspiracy to facilitate extortion.”
Patuloy ang imbestigasyon ng NBI at posibleng umabot pa sa iba pang personalidad, kabilang ang pagsusuri sa mga gadget, social media accounts, at digital evidence na konektado sa Peanut Gallery Media Network (PGMN) na itinatag ni Mabanta.
Giit ng NBI, hindi ito pag-atake sa press freedom.
“’Yung press freedom, okay ‘yan. We protect it. But criminal activities we will go after,” ani Matibag. Dagdag pa ng ahensya, maaari rin silang humingi ng cyber at search warrants habang nagpapatuloy ang digital investigation. Dave Baluyot