Home NATIONWIDE Mabilis na ayuda sa mga biktima ng sunog, ipinag-utos Mayor Isko

Mabilis na ayuda sa mga biktima ng sunog, ipinag-utos Mayor Isko

10
0

MAYNILA – Tiniyak ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na agad na naipapamahagi ang tulong sa mga pamilyang nasasalanta ng sunog sa lungsod, alinsunod sa direktiba ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

Sa panayam ng Manila City Hall Press Club (MCHPC), sinabi ni MDSW Director Jay Dela Fuente na target ng lungsod na maibigay ang financial assistance sa mismong araw ng insidente kung umaga nangyari ang sunog, o kinabukasan naman kung ito ay naganap sa gabi.

Ipinaliwanag ni Dela Fuente na dalawang validation team ang agad na ipinapadala sa oras na magkaroon ng sunog.

Ang unang grupo ay nagtutungo sa evacuation center upang i-validate ang mga apektadong pamilya, habang ang ikalawang grupo ay nagsasagawa ng inspeksyon sa lugar ng sunog upang matukoy kung ang mga bahay ay totally damaged o partially damaged.

Ayon sa opisyal, itinaas na rin ng pamahalaang lungsod ang halaga ng financial assistance. Mula sa dating ₱10,000, naging ₱15,000 na ang ayuda para sa mga pamilyang lubusang nasunugan, habang mula ₱3,000 ay ginawa nang ₱5,000 ang para sa mga bahagyang napinsala.

Bukod sa cash assistance, namamahagi rin ang MDSW ng food baskets, hygiene kits, cooking kits, sleeping kits at family kits depende sa pangangailangan ng bawat pamilya.

Aniya, layunin ng lungsod na matiyak na hindi lamang pinansyal na tulong ang naibibigay kundi maging ang iba pang pangunahing pangangailangan ng mga biktima habang sila ay nasa evacuation center.

Binanggit din ni Dela Fuente na sa pinakahuling malawakang sunog sa Barangay 152 at Barangay 163 sa Tondo, umabot sa 321 pamilya ang naapektuhan at agad na nabigyan ng kaukulang tulong ng MDSW.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na nakahanda ang MDSW sa pagtugon sa mga sakuna sa pamamagitan ng agarang pamamahagi ng hot meals, full meals, bigas at food packs upang matiyak na walang pamilyang magugutom.

Kung maliit lamang ang insidente, sinabi niyang sapat ang kakayahan ng MDSW na tugunan ito. Ngunit sa malalaking sunog na umaabot sa mahigit 100 hanggang 200 pamilyang apektado, agad silang nakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang madagdagan ang ayuda at mapalawak ang serbisyong naibibigay sa mga biktima.

Ayon kay Dela Fuente, nananatiling maayos ang koordinasyon ng MDSW at DSWD upang matiyak na walang pamilyang maiiwan at lahat ng evacuees ay makatatanggap ng agarang tulong habang sila ay nasa evacuation centers. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here