Manila Philippines – Nakahanda na si dating House Speaker Martin Romualdez sa ilalatag na kaso ng Ombudsman laban sa kaniya.
Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Ade Fajardo, walang ebidensya na magdidiin sa kaniyang kliyente.
“Nakahanda si former Speaker Romualdez na harapin ang proseso. Pero talagang walang patunay o ebidensiya sa kanya tungkol sa flood-control anomalies. Wala pa pong preliminary investigation, nasa case build-up status po now.”
Giit pa ng abogado na wala umanong partisipasyon si Romualdez sa pondo ng pagpapatupad sa flood control projects.
“Napakasimple lang actually. Kasi kung wala ka namang participation, talagang maa-anticipate mo na wala namang ebidensya,” aniya.
Hindi rin umano dapat paniwalaan ang testimonya ng mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
“Papaano mo naman aasahan at paniniwalaan ang kanilang salaysay na pabago-bago at paiba-iba. Kargado pa ng incredible statements.”
Ayon pa rin kay Atty. Fajardo na maging ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay walang nakitang pananagutan si Romualdez.
“Kung ating babalikan, mismong ICI ang naglabas sa kanilang imbestigasyon na wala silang mahanap na liability. Ganyan po ang expressed finding Kung ating babalikan, mismong ICI ang naglabas sa kanilang imbestigasyon na wala silang mahanap na liability. Ganyan po ang expressed findings ng ICI nang dalhin ang records sa Office of the Ombudsman.”
Sinabi pa ng abogado na lahat ng alegasyon laban kay Romualdez ay sasagutin nito kapat pormal na itong hiningi ng Ombudsman at nananatili aniya ito sa bansa.
“Hindi po tumatakas sa kanyang pananagutan si dating Speaker na harapin ang lahat ng ito. Boluntaryo siyang bumaba bilang Speaker para bigyang-daan ang imbestigasyon. Nandito po siya. Siya po ay abala bilang kinatawan ng Leyte at, siyempre, hindi siya tumatakas. Willing siya to face everything kung meron mang sinasabing ebidensya.”
Sa ngayon aniya ay wala ring nagaganap na preliminary investigation.
“Inaamin ng ginagalang nating Ombudsman na hanggang ngayon, wala pa ring preliminary investigation. At hindi pa siya nasu-subpoena ng Office of the Ombudsman. Kami po ay nababahala dito dahil ang dating Speaker ay kailangang bigyan ng pagkakataon na sumagot formally sa mga paratang na ito bago magkaroon ng conclusion,” ayon kay Atty. Fajardo. Meliza Maluntag