MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mabilis na rehabilitasyon ng mga bahay na winasak ng bagyong Marce sa Cagayan.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa isinagawang distribusyon ng financial aid sa Buguey, Cagayan, sinabi ng Pangulo na isinama niya ang lahat ng mga mahahalagang ahensya ng gobyerno para tiyakin na ang kanilang tulong ay makararating sa mga nawalan ng tahanan dahil kay Marce.
“Hindi kaya ng isang department gawin lahat. Kaya ang tinatawag po namin, ginagawa po namin ay what we call the whole-of-government approach. Ibig sabihin, lahat ng iba’t ibang departamento kahit papaano ay makakadala ng tulong at makakatulong para mabigyan ng relief, para ma-rescue ang ating mga tauhan, para mabigyan ng relief,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“At ngayon, ngayon dito sa Cagayan, ang dapat talaga nating tingnan ay ang reconstruction dahil ‘yung sa… Sa public infrastructure, okay naman, not so bad. Pero ‘yung mga private na tirahan, ‘yun na nga, nasira. Kaya’t ‘yun ang tututukan natin,” dagdag niya.
Sinabi ng Chief Executive na hindi aabandonahin ng gobyerno ang mga biktima hangga’t ganap na makabangon ang mga ito mula sa epekto ng bagyo.
Tinuran pa rin ng Pangulo na magpapatuloy naman ang tulong na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-aabot ng mahigit sa P10 milyon kada munisipalidad ng Aparri, Buguey, Sanchez-Mira, Santa Teresita, Baggao, Gattaran, Gonzaga, at Santa Ana.
Ang pondo ay tinanggap ng kani-kanilang local chief executives.
Sinaksihan din ng Pangulo ang pamamahagi ng tulong mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DSWD, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), National Irrigation Administration (NIA), at Department of Agriculture (DA). Kris Jose