Home METRO Mabilisang pagkumpuni sa mga sirang kalsada, tulay iniutos ni Dizon

Mabilisang pagkumpuni sa mga sirang kalsada, tulay iniutos ni Dizon

63
0

BENGUET, Philippines – Inatasan ni Public Works Secretary Vince Dizon ang mabilisang pagkukumpuni ng mga kalsada at tulay na nasira ng kalamidad, at sinabi niyang hindi dapat maging hadlang ang red tape sa pag-aayos ng imprastraktura.

Habang nasa Tuba patungong Baguio City, nagpahayag ng pagkadismaya si Dizon sa mabagal na rehabilitasyon ng mga pangunahing kalsada, lalo na sa mga upland road na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at pagguho.

Iniutos niya sa DPWH-Cordillera na simulan na sa May 11 ang pagkukumpuni sa sirang bahagi ng Marcos Highway na ilang buwan nang bahagyang hindi madaanan at sanhi ng matinding trapiko.

Ayon kay Dizon, hindi niya matatanggap na sa 2027 pa magkakaroon ng buong pondo para sa pagkukumpuni.

“I cannot accept that,” ani Dizon.

Sinabi niyang makikipag-ugnayan siya sa National Disaster Risk Reduction and Management Council upang mapabilis ang paglabas ng Quick Response Fund (QRF).

Dagdag niya, dapat awtomatikong mapondohan agad ang mga imprastrakturang nasisira ng bagyo, lindol, at iba pang kalamidad.

“Whenever a storm destroys infrastructure, the government’s response must be quick. But we need to make the Quick Response Fund truly a quick response. Obviously, this is no longer quick action,” ani Dizon.

Nasira ang humigit-kumulang 40 metrong bahagi ng Marcos Highway noong Setyembre 2025 dahil sa malakas na ulan dala ng Bagyong Nando (Ragasa). Posible ring nakadagdag sa pagguho ang baradong drainage system sa lugar.

Tinatayang aabot sa mas mababa sa P20 milyon ang pagkukumpuni at target itong matapos bago mag-August.

Nagbigay rin si Dizon ng kahalintulad na utos para sa agarang pagkukumpuni ng Kennon Road.

Sa Santo Domingo naman, ininspeksyon niya ang nasirang Kaliwet Bailey Bridge sa Barangay Nalasin matapos itong mabitakan dahil sa pagdaan ng overloaded na 10-wheeler truck.

Ayon kay Dizon, pinadalhan na niya ng demand letter ang trucking company dahil ang sobrang bigat ng kanilang truck ang naging direktang sanhi ng pinsala sa tulay.

Nanawagan din siya sa mga lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng weight limits upang maiwasan ang kaparehong insidente. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here