Home LIFESTYLE HEALTH Mabilisang pagtatapos ng NKTI dialysis center, iniatas ni Marcos sa lumalalang CKD...

Mabilisang pagtatapos ng NKTI dialysis center, iniatas ni Marcos sa lumalalang CKD cases sa Pinas

2
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas mabilis na konstruksyon ng National Kidney and Transplant Institute’s (NKTI) Legacy Building sa Quezon City.

Ang proyekto, ayon sa Pangulo, ay mahalaga upang tugunan ang lumalaking bilang ng mga Pilipinong nagdurusa sa chronic kidney disease (CKD).

Ipinalabas ng Pangulo ang kanyang direktiba habang nagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa nagpapatuloy na konstruksyon ng proyekto noong Biyernes, Hunyo 26. Binigyang-diin niya na kailangan nang agarang palawakin ng gobyerno ang dialysis capacity ng bansa upang matugunan ang lumalaking demand. Ang proyekto ay bahagi ng Legacy Hospitals Program ng administrasyon.

“Malapit nang matapos itong Phase 1. Sinimulan na ang Phase 2… at pagkatapos nito, ito ang magiging pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia,” sinabi ng Pangulo sa panayam ng media kasunod ng inspeksyon.

Ang 13-story Legacy Building ay magkakaroon ng 200 state-of-the-art dialysis machines at idinisenyo upang magsilbi bilang one-stop healthcare facility na mayroong Malasakit Center, operating rooms, pharmacy, at training facilities para sa healthcare professionals.

Sinabi naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ang proyekto ay naglalayong hindi lamang pataasin ang dialysis capacity kundi mapahusay din ang medical training at palakasin ang papel ng NKTI bilang premier center ng bansa para sa kidney care at transplantation.

Ayon sa Pangulo, ang gusali ay magsisimulang tumanggap ng medical equipment sa unang bahagi ng 2027 at dapat maging operational sa 2028.

“Pinabibilisan natin… early 2028 makapag-operate na itong dialysis center,” aniya.

Winika pa ng Pangulo na mapahuhusay ng pasilidad ang access sa abot-kayang dialysis treatment at makatutulong sa pagbibigay ng mas mabuting healthcare services sa mga Pilipinong may chronic kidney disease.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang proyekto ay apurahang kailangan habang patuloy na naaapektuhan ng kidney disease ang milyun-milyong Pilipino.

“Ito kasi ay malaki ang pangangailangan sa ating populasyon dahil ang kanilang statistics, over 11 percent ng mga Pilipino ay may chronic kidney disease, kaya’t kailangang pagtibayin natin at palawakin natin ang ating serbisyo para sa pag-treat ng CKD,” ani Pangulong Marcos.

Idinagdag pa ng Pangulo na naghahanap ng paraan ang gobyerno upang mapigilan ang kidney disease sa pamamagitan ng mas malakas na public health interventions sa halip na nakatuon lamang sa paggagamot.

“Napag-uusapan namin kung paano ang maaari nating gawin upang makaiwas ang ating mga kababayan sa chronic kidney disease,” aniya.

Binigyang-diin din ng Chief Executive ang pinalawak na PhilHealth coverage ng gobyerno para sa mga pasyenteng may CKD.

Aniya, ang annual hemodialysis package ay tumaas mula 90 hanggang 156 sessions, habang ang benepisyo kada dialysis session ay itinaas mula P4,000 hanggang P6,350.

Tinuran pa ng Pangulo na itinaas din ng PhilHealth ang Z Benefit Package para sa peritoneal dialysis sa P500,140 kada taon para sa adults at hanggang P1.2 million para sa pediatric patients.

Gayundin, ang bansa ay mayroong 904 PhilHealth-accredited dialysis centers na nagsisilbi sa mga pasyente sa buong bansa.

Saklaw ng PhilHealth Z Benefit Package ang catastrophic at matagal nang mga sakit na nangangailangan ng mamahaling paggagamot gaya ng cancers, open-heart surgeries, at kidney transplants.

Layon nito na magbigay ng komprehensibong financial risk protection sa pamamagitan ng pagsaklaw sa buong course of treatment, kabilang ang hospital fees, medication, at professional fees.

Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na binago ng gobyerno ang funding strategy nito upang mapabilis ang konstruksyon matapos na ang mga nakalipas na proyekto ay dumanas ng pagkaantala dahil sa tingi-tinging pagpapalabas ng pondo.

“Imbes na dating nangyayari kasi tingi-tingi ang pagbibigay ng pondo kaya hindi puwedeng madaliin, ang ginawa natin, pinalitan natin ang sistema, buo kaagad ang pondo,” ayon kay Pangulong Marcos.

Paliwanag pa niya, pinahihintulutan ng bagong approach ang konstruksyon ng upper floors na magpatuloy nang sabay-sabay habang tinatapos ang trabaho sa lower levels. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here