ISASALANG sa imbestigasyon ng House Quad Committee si dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog upang malinawan ang kanyang kaugnayan sa iligal na droga tulad ng akusasyon sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iniimbestigahan ng QuadComm na binubuo ng House committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts, ang mga may kaugnayan o sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators, illegal drugs, money laundering, at extrajudicial killings noong Duterte administration.
Inabandona ni Mabilog ang kanyang mga nasasakupan at umalis ng bansa noong 2017 matapos isama ni Duterte sa drug watch list at inakusahang protektor ng mga sindikato ng droga sa Iloilo City.
Ngayong wala na sa puwesto si Duterte, nagpasya si Mabilog na bumalik sa bansa bitbit ang pag-asa na makakuha ng patas na pagtrato mula sa Marcos administration.
Plano naman ng Department of Justice na gisahin siya tungkol sa kanyang kinalaman sa iligal na droga at marinig ang kanyang panig,
Bukod sa umano’y kinalaman sa iligal na droga, nahaharap din si Mabilog sa kasong graft sa Sandiganbayan ukol sa kanyang pakikialam sa pag-award ng kontrata sa isang towing service company na mayroon siyang interes.
Dahil sa paglisan sa bansa, pinatalsik si Mabilog sa puwesto ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang guilty sa “serious dishonesty” kaugnay ng iligal na yaman.
Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagbalik si Mabilog sa bansa para bawiin ang dating puwesto o muling tumakbo sa halalan dahil bumalik ito tatlong linggo bago ang paghahain ng certificates of candidacy para sa 2025 national at local elections.