Home NATIONWIDE PBBM sa agrarian reform beneficiaries sa Coron: Land is now yours

PBBM sa agrarian reform beneficiaries sa Coron: Land is now yours

MANILA, Philippines- Mahigit 2,000 agrarian reform beneficiaries kabilang na ang mga agriculture graduate at rebel returnee ang nakatanggap ng titulo ng lupa mula kay Pangulong Ferdinand Marcos sa Coron, Palawan.

Sa isang maliit na seremonya sa lumang gymnasium ng naturang bayan, namahagi si Pangulong Marcos ng certificate of land ownership awards (CLOAs) at e-titles sa 1,217 benepisaryo.

Sakop ng nabanggit na titulo ang mahigit sa 3,000 ektarya ng lupa sa loob ng Busuanga Pasture Reserve.

Sa nasabi pa ring event, itinurn-over naman ni Pangulong Marcos ang tatlong farm-to-market road na kumpletong proyekto na iniuugnay sa agricultural areas sa tatlong bayan sa Palawan.

Ang Pangulo sa pamamagitan ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, pinalampas at kinalimutan na ang lahat ng outstanding amortization para sa lahat ng agrarian land kabilang na ang nasa distribution program.

“Hindi na kayo dapat mag-alala, sa inyo na ang lupa,” giit niya.

Ipinangako rin ng Punong Ehekutibo na ipaprayoridad ang agriculture graduates sa land distribution.

Sa kabilang dako, binigyang-diin naman ni Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama ang kahalagahan na isama ang mga ‘future farmer’ sa programa.

“Ang pagbibigay ng titulo ng sakahan sa mga graduate ng agriculture-related courses ay paghikayat sa mga kabataan sa pagpasok sa pagsasaka para sa ating food sufficiency,” ang sinabi ni Villarama.

Aniya pa, ang land distribution ay isa ring paraan para isama ang mga dating rebelde sa food production.

“Alam naman natin na ang mga namundok ang dahilan nila kung bakit sila namundok kasi wala silang sariling lupang sakahan. Paghikayat ito sa iba pa na bumalik na sila dahil may mga lupang sakahan para sa kanila,” ang sinabi ni Villarama.

Matatandaang mula nang umupo si Pangulong Marcos, mayroong 1.38 milyong ektarya ng agricultural land ang nakahanda ng ipamigay.

Sa katunayan, namahagi na ang Pangulo ng 140,000 ektarya simula pa noong 2022. Kris Jose