BILIRAN- Palaisipan sa ngayon sa mga awtoridad ang pamamaril sa isang madre na nanunuod ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay noong Linggo sa bayan ng Kawayan.
Nilapatan naman ng lunas sa Biliran Provincial Hospital ang biktimang si Sr. Maria Gemma Onipa, 75, isang misyonero ng Lady of Peace congregation, at tubong Barangay Burabod, Kawayan, Biliran.
Batay sa report ng Kawayan Municipal Police Station, dakong alas-6:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nanunuod sa telebisyon ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang bigla na lamang itong barilin ng suspek at tinamaan sa likurang bahagi ng katawan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon habang agad namang dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamong sugat.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na pagkakakilanlan sa suspek at motibo sa pamamaril.
Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may kinalaman ang ginagawang pagtulong ng biktima sa mga taong may problema sa kanilang lupa. Mary Anne Sapico