MANILA, Philippines – Pumanaw na ang madreng nagusulong ng restorative justice sa mga bilanggo makaraan ang ilang araw na pananatili sa pagamutan.
Si Sr. Zeny Cabrera ng Sisters of the Holy Eucharist ay pumanaw alas-5:01 ng madaling araw ng Martes, Enero 14 sa Commonwealth Hospital.
Una na ring isinugod sa ospital si Sr. Cabrera noong Sabado ng umaga, makaraang atakihin sa puso na nakaapekto sa kaniyang utak at ilang araw na na-comatose.
Kilala si Sr. Cabrera sa kanyang pagmimisyon na mangalaga sa mga person’s deprived of liberty o PDL at kasalukuyang coordinator ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry.
Layunin ng kanyang misyon ang mabigyang pagkakataon sa mga bilanggo na magbago, muling tanggapin sila sa kanilang pamilya at komunidad, at maging mga produktibong miyembro ng lipunan.
Una na ring inihayag ni Sister Cabrera na ang karisma ng kanilang kongregasyon ay ihanda ang paghahanda ng hapag sa Panginoon para sa mga bilanggo na ayon sa kultura ng ‘Salu-salo,’ na isang tradisyong Pilipino ng pagsasama-sama sa hapag-kainan kasama ang mga kaibigan at pamilya.
Higit sa 20 taon itinuon ng madre ang kaniyang paglilingkod sa pangagalaga sa mga bilanggo katuwang ang Archdiocese of Manila at Sisters of the Holy Eucharist na nakabase sa Diocese ng Novaliches.
Sa kasalukuyan ay wala pang detalyeng inilalabas ang kongregasyon kaugnay sa paglalagakan ng labi ng namayapang madre. Jocelyn Tabangcura-Domenden