MANILA, Philippines – Pumirma si Ramil Madriaga, na nagpapakilalang dating aide at umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte, ng bank secrecy waiver upang payagan ang House of Representatives na suriin ang kanyang mga bank account na binanggit sa kanyang supplemental affidavit.
Nilagdaan niya ito sa pagdinig ng House committee on justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte, na siya rin niyang unang pagharap sa naturang proceedings.
“As to the contents of this bank secrecy law, do you subscribe and swear to the truthfulness of the contents of this document?” tanong ni committee chairperson Rep. Gerville Luistro.
Sumagot si Madriaga ng oo at kinumpirmang nauunawaan niya ang implikasyon ng pag-waive ng kanyang karapatan sa ilalim ng Bank Secrecy Law.
Matapos ang kanyang testimonya, pinayagan siyang hindi na dumalo pa sa pagdinig dahil sa kakulangan sa oras, at itinakdang hanggang alas-5 ng hapon lamang ang kanyang presensya.
Inatasan din ang House security, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at National Bureau of Investigation (NBI) na ibalik si Madriaga sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan siya kasalukuyang nakadetine.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Madriaga na nag-deliver siya ng P125 milyon na confidential funds ni Duterte sa tatlong lugar sa loob ng 24 oras, at inakusahan din ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y nagplano ng assassination o kudeta laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung hindi ito bababa sa puwesto pagsapit ng 2025. RNT/MND