Home METRO Mag-ama arestado sa baril, bala

Mag-ama arestado sa baril, bala

MANILA, Philippines – Arestado ang mag-ama matapos makumpiskahan ng iba’t-ibang uri ng baril at bala sa isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Rizal, PFU, 404th AMC RMFB PRO4A, 22SAC-2SAB PNP-SAF, at Antipolo City Police Station sa Sitio Calumpang, Barangay San Jose, lungsod ng Antipolo, Rizal

Ang mag-amang suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Possession of Firearms and Ammunitions) ay kinilala sa alyas na Cesar at Zeus, pawang residente ng nabanggit na lugar.

Base sa isinumiteng report ni PMajor Leopoldo Cajipe Jr., Rizal CIDG Provincial Officer sa tanggapan ni PCol Jacinto Malinao Jr., Regional Chief CIDG-4A, dakong alas-8:00 ng umaga kahapon, Abril 16 sa pamamagitan ng Oplan Paglalansag Omega nang salakayin ang bahay ng mag-amang suspek sa bisa ng Search Warrant No. 2024 -82 na inisyu ni Hon. Agripino R. Bravo, Executive Judge ng RTC Fourth Judicial Region sa Lucena City na may petsang Abril 12, 2024 na humantong sa pagkaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mag-amang suspek ang 13 piraso ng baril at bala kabilang ang dalawang caliber 45, tatlong caliber 22, tatlong caliber 38 at mga bala ng M16 rifle, M14, caliber 45, caliber 38, caliber 22, caliber 9mm, caliber 25 at shotgun.

Bukod dito, narekober din sa mga suspek ang blankong basyo ng bala, 3 magazine ng kalibre 45 at isang rifle scope.

Ayon kay PCol Malinao Jr., ang pagkakaaresto sa mag-amang suspek kung saan ang pagkakakumpiska sa mga nasabing armas at bala ay malaking tulong para sa crime prevention at crime solution sa probinsya Ng Rizal at karatig probinsya, gayundin sa Metro Manila. Ellen Apostol