Home METRO Mag-asawa, 6 miyembro ng NPA patay sa engkwentro

Mag-asawa, 6 miyembro ng NPA patay sa engkwentro

NEGROS ORIENTAL- Patay ang pitong pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang commander at kanyang asawa matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan, kahapon sa bayan ng Kabankalan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Renel Cellon alyas Kumpol, commander ng Southwest Front asawa nitong si Mary Jean Magquilat alyas Chin-chin; Isidro Supilina alyas Dalia, John Rey Mijares, deputy Secretary, alyas Pitong, Charity Amacan alyas Loreng/Atena, Secretary.  Ayon kay Lieutenant Colonel Erwin Lamzon, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division-PA, bandang alas-5:30 ng umaga noong Linggo, Abril 27, 2025 naganap ang sagupaan sa Sitio Candiacap, Brgy. Tapi Kabankalan.

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang anima na pirasong M16 caliber rifle, isang unit ng M16 na may M203, mga bandoliers, magazine, bala ng 5.56 mm, at mga personal na kagamitan.

Sinabi ni lamzon, bitbit ng mga pulis ang arrest warrant laban kay Kumpol sa kasong murder.

Pagdating ng mga awtoridad sa naturang lugar, agad silang sinalubong ng mga putok ng baril na nauwi sa palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng pito.

Patuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng pulisya at militar laban sa mga nakatakas na rebelde.

Wala naman naiulat na nasugatan o nasawi sa panig ng mga sundalo at pulis. Mary Anne Sapico