Home METRO Mag-asawa kinatay sa condo, mister inihulog sa gusali

Mag-asawa kinatay sa condo, mister inihulog sa gusali

MANILA, Philippines- Isang mag-asawa na nagtungo lang sa Davao City upang manood ng konsiyerto ang natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa tinuluyan nilang condominium noong Linggo.

Kinilala ni Davao City Police Office (DCPO) director, P/Col. Richard Bad-ang ang mga biktima na sina Jeff Paredes at Jennifer Chavez, nasa 30 hanggang 40-anyos. Ang dalawa ay sinasabing 8-taon nang nagsasama bilang mag-asawa.

Ayon sa ulat, ang lalaking biktima na natagpuang nakahandusay sa ground floor ay sinasabing inihulog mula sa 6th floor ng condominium sa Daang Maharlika in Bajada, Davao City, bandang alas-5 ng umaga nitong Linggo. Mayroon siyang siyam na saksak sa katawan.

Ang babae naman na may saksak din sa katawan ay nakitang duguan sa inupahang silid sa 3rd floor, dakong alas-10 na ng gabi ng nasabi ring araw.

Nabatid sa ulat na unang lumipad pa-Davao City si Jennifer noong umaga ng Sabado at sumunod si Jeff bandang hapon para manood ng “We The Kings” Asia Tour concert sa SMX Convention Center sa SM Lanang. Nag-book sila ng silid sa nasabing condominium.

Ayon sa pulisya, nananatiling intact ang kanilang gamit sa silid kung saan may natagpuang duguang patalim.

“Based sa evidence at mga gamit intact ang mga gamit nila pati pera and the IDs doon sa room then we found out may kutsilyo, may dugo we believe before the incident nagsama sila sa isang room,” sabi ni Col. Bad-ang.

Batay sa paunang imbestigasyon, posibleng “crime of passion” ang motibo sa krimen at tinutuklas kung may sangkot na “third party” sa pamamaslang.

“One of the motives that we are looking at is the crime of passion and anger isa. Why is it ang lalaki may stab wounds kung nahulog man siya didto sa 6th floor kasi may nakitang finger print at may nakitang bakas ng dugo. It seems nandon siya nahulog, however ‘yung paakyat sa 6th floor from the room wala kang makikitang traces ng dugo. It seems may gumawa ng krimen, binuhat ang lalaki at hinulog doon sa baba,” idinagdag ni Bad-ang.

May dalawa umanong persons of interest sa krimen at sila ay kilala na. Isa sa personalidad ay sinasabing humarap na sa mga awtoridad noong Lunes..

Patuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa kaso. RNT