MANILA, Philippines- Sinimulan ng Pilipinas at ng United States nitong Lunes ang isa sa pinakamalaking “Balikatan” (shoulder-to-shoulder) joint military exercises, kung saan inaasahan ng mga opisyal ang presensya ng Beijing sa paggiit nito ng maritime claims sa South China Sea.
Para sa 39th iteration ng Balikatan drills ngayong taon na aarangkada hanggang May 10, makikilahok ang France bilang partner sa unang pagkakataon, na ipinadala ang Floréal-class light frigate FS Vendémiaire (F734) nito, na kasalukuyang nakadaong sa Puerto Princesa City, sa lalawigan ng Palawan. Kabahagi rin ang Australia bilang partner sa aktibidad ngayong taon.
Gayundin, nilahukan ang annual military exercises ng observers mula sa 13 bansa, kabilang ang Brunei, Canada, Germany, United Kingdom, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Singapore, South Korea, Thailand at Vietnam.
Halos 11,000 sundalong Amerikano at 6,000 Pilipino ang kalahok para sa Balikatan 2024.
Sa kanyang talumpati sa opening ceremonies, binigyang-diin ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nilalayon ng pagsasanay na palakasin ang kanilang kapabilidad at hindi isang “show of force” sa anumang bansa.
“Let us not view this as a mere break from our daily routine but rather an occasion to learn from one another,” ani Brawner.
Hindi naman kinumpirma ni Maj. Gen. Marvin Licudine, exercise director ng Pilipinas, ang naiulat na presensya ng Chinese maritime militia ships halos 56 kilometers (30 nautical miles) lamang mula sa baybayin ng Palawan, subalit inihayag na inaasahan ang presensya ng Chinese vessels sa lokasyon kung saan sila magsasagawa ng pagsasanay.
“Surely, I would say that we will expect [that] because they have been there since they have structures in these areas,” pahayag ni Licudine sa isang press briefing.
Idinagdag ng opisyal na lalampas sa territorial waters ng bansa sa West Philippine Sea ang aktibidad.
“But it’s not really addressed to any aggressors,” paglilinaw ni Licudine. “It’s more of the development of interoperability, our collective effort, protection of international law… and making sure that freedom of navigation in these areas go freely and not impeded by any other parties in the process,” aniya.
Tututok ang annual drills sa northern at western parts ng bansa, malapit sa potential flashpoints ng South China Sea at Taiwan.
Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng waterway. RNT/SA