CALAPAN CITY, Oriental Mindoro- Naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mag-asawa at nasabat ang limang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Sagana, Bongabong, Oriental Mindoro nitong Lunes.
Kinilala ni Jet G. Carino, PDEA-Mimaropa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan) chief, ang mga suspek na sina Luis D. Baes, 45, negosyante, at kanyang asawa na si Lyn, 41, kapwa residente ng Barangay Malitbog, Bongabong.
Sinabi ni Carino na ito ang pinakamalaking halaga ng shabu na narekober sa rehiyon. Naapektuhan ng operasyon ang shabu supply chain sa Mimaropa at mga karatig-rehiyon, dagdag ng opisyal.
Nahaharap ang mga suspek sa drug-related charges.
Sinabi ng PDEA-Mimaropa na bahagi ang operasyon ng pinalawak na istratehiya kontra sa droga at upang tiyakin na nananatiling alerto ang rehiyon laban sa narcotic threats.
“The agency remains steadfast in its mission to dismantle drug networks and ensure the safety and well-being of the community,” anang PDEA-Mimaropa. RNT/SA