HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mag-asawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagtatangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng Netherlands visa.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang ahensya ay nananatiling nakatuon sa pagprotekta sa mga hangganan ng bansa mula sa mga manloloko at sindikatong nagsasamantala sa mga Pilipino.
“Our officers are well-trained to detect fraudulent travel documents,” ani Viado. “We warn the public against unscrupulous groups offering fake visas. These schemes not only waste hard-earned money but also put travelers at risk of legal consequences,” dagdag pa ng opisyal.
Iniulat ni BI immigration protection and border enforcement (I-PROBES) chief Mary Jane Hizon na ang mag-asawang nasa edad 26 at 28 ay nagtangkang sumakay ng Cathay Pacific flight papuntang Amsterdam, na nagpanggap na mga turista. Gayunpaman, nakita ng mga opisyal ng imigrasyon na kahina-hinala ang kanilang Netherlands visa.
Sa masusing pagsusuri ng forensic documents laboratory ng BI, nakumpirma na peke ang visa na bitbit ng mag-asawa. Sa pagtatanong, inamin ng mag-asawa na nagbabayad sila ng P268,000 para sa kanilang travel arrangement, kasama ang pekeng visa.
Binigyang-diin ni Viado na ang BI ay nananatiling mapagbantay laban sa pandaraya sa imigrasyon, at idinagdag na ang mga indibidwal na mahuling gumagamit ng mga pekeng dokumento ay mahaharap sa mahigpit na legal consequences.
Itinurn-over ang naharang na mag-asawa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon. JR Reyes