Home NATIONWIDE Mag-asawang negosyante hinoldap ng inupahang driver, P2M cash tinangay

Mag-asawang negosyante hinoldap ng inupahang driver, P2M cash tinangay

MANILA, Philippines – Isang 34 anyos na misis ang namatay habang inoobserbahan sa pagamutan ang mister nito makaraang pagsasaksakin sa leeg, ulo at katawan ng kinuhang driver na kanegosasyon din ng mag-asawa.

Kasabay nito ay tinangay din ang P2 milyong halaga na dala ng mga ito.

Isang malalim na saksak sa leeg ang tumapos sa buhay ng biktimang si Czarri Marie Cantuba, 34 anyos, habang inoobserbahan sa pagamutan ang mister nito na si Marlon Cantuba, 35 anyos, kapwa residente ng Sitio 1 Gulap, Candaba, Pampanga.

Tumakas naman ang suspek tangay ang sasakyan at perang P2 milyon ng mag-asawa na kinilala sa alyas na Jomar, 43 anyos, residente ng MH Del Pilar St, Malate, Manila.

Batay sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, alas-4 ng madaling araw bumiyahe ang mag-asawa pa Cavite mula Pampanga gamit ang kanilang sasakyan na minamaneho ng driver (suspek).

May kausap umano ang mga ito na isang kompanya na kukuhanan ng mga Frozen Meat sa may Cavite Technopark, Brgy Sabang, Naic, Cavite kung saan ang suspek din ang nag-alok at nakipag-negosasyon sa mag-asawa.

Habang binabaybay ang Governors Drive, Brgy. Sabang, Naic, Cavite, bigla umanong huminto ang suspek at itinabi ang sasakyan.

Kinausap nito ang lalaking biktima na kung pwede na ito muna ang magdrive hinggil sa inaantok umano ito.

Hindi pa man nakakakilos ang biktima ay agad na nitong inundayan ng saksak sa ulo.

Tinutukan din nito ng patalim ang babaeng biktima at sapilitang kinuha ang bag kung saan nakalagay ang P2 milyon.

Agad naman itong ibinigay ng biktima at nang makuha ay inundayan pa rin nito ng saksak sa leeg ang biktima.

Mabilis na tumakas gamit ang sasakyan ng mag-asawa ang suspek.

Kahit na duguan ang lalaking biktima, nagpumilit pa rin itong humingi ng tulong sa barangay mobile unit at agad na naitakbo sa pagamutan ang mag-asawa subalit hindi na naisalba pa ang misis nito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya sa agarang ikadarakip ng suspek. Margie Bautista