CEBU CITY, Philippines — Sugatan ang isang senior couple matapos silang pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng kanilang tindahan sa Barangay Nailon, Bogo City, northern Cebu, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala sa mga alyas na Roberto, 66, at Virginia, 65, ang mga biktima na nasa kanilang tindahan sa Purok Pangalwan nang sumilong sa labas ang suspek dahil sa ulan dakong alas-7 ng gabi noong Hulyo 12.
Batay sa imbestigasyon ng Bogo City Police Station, inanyayahan ng mag-asawa ang lalaki na sumilong sa loob ng tindahan ngunit tumanggi ito.
Makalipas ang ilang minuto, biglang pumasok ang suspek at ilang ulit na sinaksak si Virginia.
Tinangka ni Roberto na pigilan ang pag-atake sa pamamagitan ng pagtulak sa suspek ngunit sinaksak din siya.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek sakay ng motorsiklong minamaneho ng naghihintay niyang kasamahan.
Isinugod ang mga biktima sa Cebu Provincial Hospital sa Bogo City bago sila inilipat sa isang ospital sa Cebu City para sa karagdagang gamutan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek at ng kasama nito. Mary Anne Sapico