Home METRO PNP, DepEd sanib-pwersang mag-iimbestiga sa nasawing Gr. 4 matapos purgahin

PNP, DepEd sanib-pwersang mag-iimbestiga sa nasawing Gr. 4 matapos purgahin

1
0

MANILA, Philippines — Magsasagawa ng magkasanib na imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) sa pagkamatay ng isang Grade 4 pupil na nagkasakit matapos sumailalim sa deworming activity sa kanyang paaralan sa Trece Martires City, Cavite.

Sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Allan Rae Co na nakikipag-ugnayan na sa DepEd ang hepe ng Trece Martires police para sa imbestigasyon.

“The chief of police of Trece Martires is already coordinating with the DepEd,” sinabi ni Co.

“This does not mean na meron po tayong nakikitang negligence or any liability there, but there was a death and a child at that. So ‘yung chief of police po natin ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan with DepEd for the conduct of a joint investigation,” dagdag niya.

Ang mag-aaral na kinilalang si Rex ay mula sa Hugo Perez Elementary School-Annex.

Batay sa kanyang death certificate, septic shock dulot ng central nervous system infection ang agarang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Gayunman, naghihinala ang kanyang mga magulang na maaaring nasobrahan siya sa deworming medicine kaya nanawagan sila ng imbestigasyon. Nagtungo rin sila sa National Bureau of Investigation nitong Lunes upang iulat ang insidente.

Hinimok ng Trece Martires Component City Police Station ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“Mahalaga pong hintayin ang resulta ng masusing imbestigasyon at iba pang kaukulang pagsusuri bago magbigay ng anumang konklusyon,” pahayag ng pulisya.

Nanawagan din ang DepEd na manatiling kalmado ang publiko at iwasang humusga hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.

Sinabi ni DepEd Governance and Operations Assistant Secretary Roger Masapol na nakatatanggap umano ng pagbabanta at pang-iinsulto sa social media ang gurong nagbigay ng deworming medicine.

“Sa social media, merong mga nare-receive daw siyang mga, ano, kaunting threats ganyan o pang-iinsulto,” ani Masapol.

“Kaya nag-provide kami ng psychological first aid sa mga nurses natin and doon mismo sa teacher na nag-administer nung deworming,” dagdag niya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here