Home METRO Mag-iina hinostage ni tatay sa Taguig

Mag-iina hinostage ni tatay sa Taguig

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Taguig City police ang isang hostage taker habnag nasagip naman ang kanyang biniktimang asawa at tatlong anak Huwebes ng umaga, Disyembre 19.

Kinilala ni Taguig City police chief P/Col. Joey Goforth ang nadakip na suspect na si alyas Raymond, construction worker, 28-taong-gulang.

Base sa report na isinumite ni Goforth kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard Yang, nagsimula ang hostage taking situation bandang alas 7:45 ng umaga sa Sta. Maria Drive, Mañalac Ave., Barangay Bagumbayan, Taguig City.

Ayon sa kinakasama ng suspect, nag-ugat ang pangho-hostage sa kanilang mag-iina dahil sa pagtatalo at naging bayolente ang suspect nang hindi niya ito bigyan ng kanyang hinihinging pambili ng alak kung saan sinaktan pa siya nito.

Sa takot na kung ano pa ang gawin sa kanila ng suspect ay humingi na ng tulong para sa kanilang kaligtasan ang mag-iina sa Barangay Bagumbayan Security Force (BSF).

Makaraang matanggap ang paghingi sa kanila ng tulong ng biktima ay agad na inireport ng BSF sa Taguig City police Substation 12 (SS12), ang insidente kung saan rumesponde ang mga tauhan ng Substation 12 personnel, mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at ng SWAT team na mabilis na kumilos sa pagkompronta sa kanila ng suspect.

Nakumbinsi naman ng mga parak ang suspect na sumuko dakong alas 11:50 ng tanghali kasabay ng pagsagip ng mga biktima na hindi man lang nagalusan.

Nahaharap sa kasong illegal detention, direct assault, alarm and scandal, at paglabag sa BP 6 ang suspect sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)