LAGUNA, Philippines – Patay sa pinangyarihan ng krimen ang isang 11 buwan sanggol, samantalang sugatan ang mag-ina nang pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi nakikilalang salarin kagabi sa Barangay Gregorio sa lungsod ng San Pablo, Laguna.
Kinilala ang nasawing sanggol na si Catherine Cuenca Lunar 11 months, sugatan naman ang ina nito na si Rhea Cuenca Lunar, 30, at lola nito na si Mercelita Cuenca Lunar, 56, byuda, kapwa naninirahan sa Barangay San Francisco, San Pablo City.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng San Pablo City Police Station, dakong alas-10 kagabi habang abalang kumakain sa isang karinderya ang mag-iina, dumating ang mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima na ikinasawi ng 11 buwang sanggol at ikinasugat ng ina at lola nito.
Ang mga biktima ay mabilis na isinugod sa Panlalawigang Pagamutan ng Laguna, kung saan ideneklarang dead on arrival ang nasabing sanggol, samantalang ginamot ang ina nitong Rhea na nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng balikat, at ang lola ng sanggol na si Mercelita ay tinamaan sa kanang hita.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng San Pablo City PNP para sa ikadarakip ng mga hindi nakikilalang suspek na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Maharlika Highway, samantalang inaalam pa ang motibo ng krimen. /Ellen Apostol