Home METRO Matagumpay na operasyon ng DA, BOC sa P200-M ismagel na mackerel, ikinatuwa...

Matagumpay na operasyon ng DA, BOC sa P200-M ismagel na mackerel, ikinatuwa ng sektor ng mga magsasaka

303
0

MANILA, Philippines – Kasunod ng pagkakasabat ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) sa milyong-milyong ismagel frozen Mackerel sa Port of Manila– ang sektor ng mga magsasaka ay nagpahayag naman ng pagkagalak sa matagumpay na operasyon ng dalawang ahensya.

Ayon kay AGAP partylist Rep. Nicanor “Nikki” Briones, na kumakatawan sa mga sektor ng magsasaka na nagpapasalamat siya sa masigasig na pagpapatupad ng batas nina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at DA Secretary Francisco Tiu Laurel, upang mapigilan ang talamak na smuggling sa bansa.

Napag-alaman na nasamsam ng DA at BOC ang tinatayang aabot sa P200 milyon halaga ng puslit na frozen Mackerel sa Port of Manila.

Ayon sa DA, galing sa China ang 21 container vans at idineklara bilang fried taro sticks, cuttle fish flavored balls, at taro sweet potato balls at aabot sa 720 metrong toneladang isda ang laman ng container na sasapat para maipamahagi sa 700,000 na pamilya.

Ayon kay Briones, malaki ang epekto ng mga nasabat na smuggled frozen Mackerel lalo na sa mga lokal na mangingisda lalo na’t panahon ngayon ng tag-ulan nahihirapan pumalaot ang mga ito at kakaunti ang nagiging huli.

Napag-alaman pa na may 28 kumpanya na ang blacklisted kung saan apat na ang nakasuhan.

Inaasahan ni Briones na sasampahan ng kaso ayon sa Anti-agricultural Economic Sabotage Act, na isa sa may akda ng naturang batas, ang may-ari at broker na naglakad ng mga papel ng shipment ng nahuling multi milyon mackerel.

Giit niya, dapat lahat nang nahuli makasuhan ng Economic Sabotage at makitang nakakulong lahat ang mga sangkot.

“Non bailable ‘yan kaya’t dapat nakakulong ang lahat ng sangkot sa malinaw na misdeclaration o technical smuggling ang ginawa nila,” wika pa ni Briones.

“Dapat may masampolan ng kulong habambuhay,” pagwawakas ni Briones.

Napag-alaman na ang mga nasamsam na frozen mackerel ay maaring i-donate na lamang sa mga nangangailangan lalo na sa mga naapektuhan ng mga kalamidad dahil ito naman ayon sa DA ay ‘good for human consumption ‘ pa .

Paliwanag pa ng DA at BOC, hindi dumaan sa tamang proseso ang mga ismagel na frozen meckerel kaya ito ay kanilang kinumpiska. Jocelyn Tabangcura-Domeden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here