CAVITE, Philippines – Nadakip ang tatlong empleyado ng isang kumpanya na tumangay ng P2 milyong halaga ng rolyo ng Paint Protection Film (PPF) sa Bacoor City, Cavite.
Sa report, nasa kostudiya ngayon ng Bacoor Component City Police Station ang mga suspek na kinilala na sina alyas Roderik, 40; alyas Bryan, 20, at alyas Jude, 25, pawang mga Car Detailer ng Shimmer and Shield Auto Shine at residente ng Satima Compound, Brgy Talon 2 Las Piñas City
Batay sa ulat, bandang alas-2:00 ng hapon kamakalawa nang nadiskubre ni Jefferson Bugayong, Chief Executive Officer (CEO) ng Shimmer and Shield Delia Auto Shine na matatagpuan sa Mambog 4, Bacoor City, Cavite na ilang rolyo ng PPF na umabot sa halagang P2,000,000.00 ay nawawala at base sa nakuha nitong impormasyon ay tinangay umano ito ng mga suspek na kasalukuyang empleyado nito.
Ang PPF ay isang malinaw at makapal na film na gawa sa urethane na idiinidikit sa ibabaw ng pintura ng sasakyan upang protektahan ito mula sa gasgas, bato, acid rain at iba pang pinsala.
Napag-alaman din ng may-ari ng kumpanya na ang mga ninakaw na rolyo ng PPF ay ginagamit din ng mga suspek para sa kanilang home service sa kanilang sariling kliyente para sa pag-installasyon ng mga sasakyan.
Kaagad na inireport at nakipag-ugnayan ang biktima sa pulisya hanggang sa naaresto ang mga suspek. MARGIE BAUTISTA