Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-iinang namatay matapos aksidenteng madaganan ng dump truck na kargado ng lupa ang kanilang sinasakyang van sa bayan ng Angat.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na si Angielyn Herrera at mga anak na sina Andrie, 6 at Sky, 2 habang nakaligtas naman ang amang si John Jovy ng Brgy. Binagbag.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-9 ng gabi nitong Nobyembre 27 sa Sitio Tugatog, Brgy. Marungko.
Ayon sa inisyal report, kapwa binabagtas ng pamilyang lulan ng Mitsubishi L300 van at ng Howo truck na minamaneho ni John Arn De Castro, residente, ng Brgy. Sapang Putik, San Ildefonso ang matarik na kalsada sa nabanggit na lugar.
Sinasabing biglang huminto ang truck sa naturang lugar nang biglang nawalan ng kontrol hanggang sa umatras at aksidenteng nadaganan ang pamilyang lulan ng L300 van.
Isinugod ng mga rumespondeng rescue team sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima na kalaunan ay binawian ng buhay habang patuloy na ginagamot naman ang ama rito.
Nahaharap ang driver sa kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng Angat police station. Dick Mirasol III