TACLOBAN CITY- Naaresto ng mga pulis ang suspek sa pamamaril noong Lunes sa isang barangay official sa Barangay Cagnocot, Villaba, Leyte.
Nadakip si Danilo Tolda Jr. sa joint police operation ng alas-10:05 ng gabi nitong Martes sa Barangay Tabunoc, Villaba kung saan siya naninirahan.
Nakaditine ang suspek sa Villaba Municipal Police Station habang hinihintay ang paghahain ng frustrated murder charges laban sa kanya.
Inakusahan si Tolda ng pamamaril kay Junnymel Delos Santos, isang barangay kagawad sa Cagnocot.
Nagtamo si Delos Santos ng tama ng bala sa kanang pisngi at kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital sa Ormoc City.
Nasamsam mula sa suspek ang isang hand grenade, isang .45 caliber pistol na may bala, at tatlong maliliit na sachet ng shabu.
Pinangasiwaan ang operasyon ng iba’t ibang law enforcement units, kabilang ang Leyte Provincial Intelligence Unit, Villaba Municipal Police Station, at Regional Mobile Force Battalion.
“The unwavering commitment of our officers combined with the invaluable community support led to the swift apprehension of the suspect. We remain resolute in our mission to uphold justice and ensure public safety,” ani Colonel Dionisio Apas Jr., provincial police director. RNT/SA