MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police nitong Huwebes na bukas ito sa plano ni Vice President Sara Duterte na maghain ng reklamo laban sa mga pulis dahil sa umano’y disobedience, robbery, and kidnapping.
“That is always the right of anybody to file a case, especially against the police, kung feel nila na na-aggrieve sila,” pahayag ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief BGen. Nicolas Torre III.
“We welcome that and we will wait for the case to be filed before we make our statement and the appropriate answer kung saang forum isasampa ang kaso,” wika pa niya sa mga mamamahayag sa Camp Crame sa Quezon City.
Naghain ng reklamong direct assault, disobedience, at grave coercion laban kina Duterte, Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) chief Col. Raymund Dante Lachica, at iba pang John Does nitong Miyerkules.
Isinampa ang mga kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office, na nag-ugat sa pagkagambala sa House of Representatives Detention Center at Veterans Memorial Medical Center hinggil sa detensyon ng chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Giit ng mga pulis, inasistihan ng security detail ni Duterte ang “forced transfer” ni Lopez mula VMMC patungo sa St. Luke’s Medical Center gamit ang pribadong ambulansya.
“Kitang-kita naman sa video na sila mismo ang maygawa, ang pabida-bidang pulis tinulak ng security ni VP Sara,” ani Torre.
“Pagtulak na iyon, that is direct assault. Body contact iyon sa isang pulis na nagtatrabaho lamang. That cannot be forgiven. We cannot let it pass,” dagdag ng opisyal.
Ayon pa kay Torre, posible pang magsampa ng karagdagang reklamo laban kay Duterte at sa VPSPG, “but we defer to the wisdom of the DOJ [Department of Justice] and NBI [National Bureau of Investigation] considering that many of these are intricate questions of law.”
Sa kanyang press conference sa Zamboanga City, binatikos ni Duterte ang PNP sa umano’y “incompetence” nito matapos pumalyang makakalap ng impormasyon sa umano’y mga banta laban sa kanya.
Ani Duterte, “big shame” na hindi alam ng PNP ang umano’y mga banta.
“On the part of the PNP, we defer to the Presidential Security Command na siyang in charge sa security and safety of the president and vice president,” wika naman ni PNP spokesperson BGen. Jean Fajardo.
“We presume and assume na kung meron talagang credible threat against the life of the VP, this should have been communicated to the PSC. Ang PSC naman gumawa ng aksyon, including seeking assistance from the PNP. Ang PNP ay open na imbestigahan ang threats na ito. Hindi natin sinasabi na hindi natin ito pakikialaman, but we have to defer to the PSC kasi sila nga ang may jurisdiction with respect to the security of the president and vice president,” paliwanag pa niya. RNT/SA