Home HOME BANNER STORY Ilang barangay officials sa Maynila, sangkot sa ilegal na koneksyon ng kuryente...

Ilang barangay officials sa Maynila, sangkot sa ilegal na koneksyon ng kuryente – Meralco

1
0

MANILA, Philippines— Inihayag ng Meralco na may ilang opisyal ng barangay sa Maynila na umano’y gumagamit ng ilegal na koneksyon ng kuryente at nagiging hadlang pa sa kanilang anti-pilferage operations laban sa mga lumalabag sa batas.

Lumutang ang isyu sa isinagawang consultative meeting sa Manila City Hall, kung saan sinabi ng mga kinatawan ng Meralco kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na may mga opisyal ng barangay na hindi lamang gumagamit ng ilegal na koneksyon sa kanilang sariling tahanan, kundi humaharang pa umano sa operasyon ng kanilang mga tauhan.

Dahil dito, inatasan ni Domagoso ang Manila Police District (MPD) na tiyaking ligtas ang mga tauhan ng Meralco habang nagsasagawa ng anti-pilferage operations laban sa mga ilegal na koneksyon sa kuryente.

Nag-utos din ang alkalde sa pamahalaang lungsod na makipag-ugnayan sa mga barangay bago ang bawat operasyon upang matugunan ang mga isyu sa access at right-of-way, kasabay ng pagbuo ng isang real-time coordination channel sa pagitan ng City Hall, MPD, at Meralco upang mapabilis ang komunikasyon sa oras ng operasyon.

Samantala, hiniling din ni Domagoso sa Meralco na agarang aksiyunan ang mahigit 12,000 sirang at nakatagilid na poste ng kuryente sa buong Maynila matapos matukoy sa ArcGIS mapping ng lungsod na mahigit 6,000 poste ang sira at mahigit 6,000 pa ang nakatagilid, na posibleng magdulot ng panganib sa publiko. (JAY REYES)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here