MANILA, Philippines – Sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan, isinusulong ni Senate President Win Gatchalian na pahintulutan ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) sa pagkuha ng security personnel upang maprotektahan ang mga mag-aaral sa mga paaralan.
Sa ilalim ng panukalang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53) na kanyang inihain, iminungkahi ni Gatchalian na palawakin ang saklaw ng paggamit ng SEF, na karaniwang ginagamit para sa mga silid-aralan at pasilidad. Sa ganitong paraan, magagamit ng mga lokal na pamahalaan ang SEF sa pag-deploy ng mga security guard na may sapat na pagsasanay.
Pinalalakas din ng panukala ang papel ng local government units (LGUs) sa pagtugon sa mga agarang pangangailangan sa edukasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang kanyang panukala sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan. Sa pinakahuling insidente, sinaksak hanggang sa mamatay ng isang 14-anyos na mag-aaral mula sa Las Piñas National High School ang kanyang 13-anyos na kaklase.
“Hindi na sapat ang pader at silid-aralan kung walang katiyakan ang kaligtasan ng ating mga estudyante. Kung may pondo para sa edukasyon, dapat paglaanan din natin ng pondo ang pagpapanatili ng seguridad sa mga paaralan dahil walang matututunan ang batang takot sa loob ng kanyang silid-aralan,” giit ni Gatchalian.
Kabilang sa priority agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang mga amyenda sa Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code upang palawakin ang paggamit ng SEF. (Ernie Reyes)