Home METRO Mag-ina at isa pa, patay sa sunog sa Rizal

Mag-ina at isa pa, patay sa sunog sa Rizal

RIZAL- PATAY ang tatlong katao kabilang ang mag-ina sa naganap na sunog sa magkahiwalay na lugar probinsya ng Rizal, noong Linggo.

Kinilala ang mga nasawi na sina Adela Teoxon, 39, at anak nitong si Ellie Lishelle Teoxon, 13, kapwa residente ng Valley View, Brgy. Munting Dilao, Antipolo City.

Batay sa report ng Bureau of Fire Protection Antipolo City, bandang 6:30 AM nagsimula ang sunog sa bahay ng mag-inang Teoxon.

Sa lakas ng apoy ay hindi na nakalabas pang buhay ang mag-ina matapos ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay.

Tuluyan naman naapula ang sunog dakong 7:35 AM at tinatayang aabot sa ₱4.8 milyon halaga ang mga ari-arian na nasunog.

Sa Cainta, Rizal naman, nasawi ang isang Deljane Querijero, 48-anyos, habang sugatan sina Helen Querijero at Alejandro Voltaire Querijero, matapos sumiklab ang sunog sa kanilang bahay sa Greenpark Village, Brgy. San Isidro, ng nasabing bayan.

Sa report ng BFP Cainta, bandang 5:45 AM sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima sa loob ng subdivision sa naturang lugar.

Sinabi ng mga awtoridad, gawa sa light materials ang bahay kaya mabilis itong tinupok ng apoy at natagpuan ang bangkay ni Deljane sa ikalawang palapag ng bahay.

Tinataya naman aabot sa ₱1.5 milyon halaga ng ari-arian ang nasunog.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng Antipolo City at Cainta BFP para alamin ang sanhi ng sunog. Mary Anne Sapico