Home METRO Mag-ina todas, 1 sugatan sa araro ng trak

Mag-ina todas, 1 sugatan sa araro ng trak

Bulacan – Patay ang mag-ina habang sugatan ang kanyang dalawang taong gulang na anak nang aksidenteng masagasaan ng 10 wheeler dump truck sa bayan ng Angat.

Kinilala ang mag-inang nasawi na sina Rosemarie De Leon, 27, Princess, 7, habang sugatan naman si Angel, 2, residente ng Sitio Gulod Brgy. Niugan.

Sa report ng Angat police kay PLTCOL Jacquiline Puapo, OIC Bulacan police, naganap ang insidente bandang 9:30 ng umaga nitong Hunyo 17 sa Gen. Alejo Highway, Brgy. Niugan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, habang binabagtas ng mag-iina lulan ng Russi motorcycle ang naturang highway ay aksidenteng nahagip ng dump truck kaya sila tumumba at tuluyang nasagasaan.

Isinugod ang mag-iina sa pinakamalapit na hospital subalit binawian na ng buhay sina Rosemarie at Princess na nagtamo ng mga sugat sa ulo at ibat-ibang parte ng katawan habang si Angel na sugatan din ay nilapatan agad ng paunang lunas.

Agad naman sumuko ang truck driver na si Paulino De Leon, 45, residente ng Brgy. Bangkal ng nasabing bayan na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide and physical injury. (Dick Mirasol III)