Home OPINION MAG-INGAT SA MGA “KATOK” LPG SCAMMER

MAG-INGAT SA MGA “KATOK” LPG SCAMMER

LIKAS na sa ugali ng mga Pilipino ang pagiging mapagtiwala at isa ito sa magagandang katangiang sinasamantala ng mga damuho, salot at walang konsensiyang scammer.

Matagal nang kumalat sa social media ang LPG-budol ng mga patay-gutom na halimaw. Ang modus, magpapanggap ang mga parasitong ito na taga-safety department ng ahensiya ng gobyerno at iinspeksiyunin “kuno” ang inyong LPG. Siyempre kumpleto ang mga scammer sa kanilang costume, script at acting.

At dahil may dala-dalang papeles at ID, mapapaniwala ka nilang “legit” ang kanilang operation kaya mapapapayag kang papasukin sila sa iyong bahay.

Maya-maya lang sasabihin na nila sa inyo na sira ang inyong LPG regulator at kailangan na itong palitan alinsunod diumano sa standard. Standard pala ha?, ‘eh yung ginagawa nilang pagbabahay-bahay ay taliwas naman sa standard.

Sa ating pagkakaalam, hindi nagbabahay-bahay ang mga inspector ng Bureau of Fire Protection. Maaari nating gawing basehan ang RA 9514 o Fire Code of the Philippines.

At dahil modus nga ito, nakahanda na ang kawatan na i-offer ang kaniyang remedyo sa sirang regulator. Tumataginting na P6,500 pesos ang ibebenta nila sa inyo na kung bibilhin lamang sa hardware ay nagkakahalaga lamang ito ng P500-P700, inangkupo!

Papaano ka ba namang hindi mapapabili, ‘eh kasama sa script ang pananakot ng mga damuho lalo na sa kanilang biktimang senior citizen na malalagay daw sa alanganin ang mga apo at buong pamilya kapag nagkasunog dahil sa depektibong regulator. Hanep, ‘di ba?

At hindi lang iyan, may nasagap tayong dagdag na modus ng mga pusakal. Binalikan pa nila ang isang biktima upang kaibiganin at nag-offer pa ng kung ano-anong equipment at insurance policy na proteksiyon daw kapag nasunugan. Ayun, umabot ang pang-i-scam sa halos P1M. At dahil nga scam at walang katotohanan ang lahat ng serbisyo o pangako gayundin ang pagkakakilanlan ng mga scammer, maglalahong parang bula ang mga ito tangay ang mga nakulimbat nilang pera.

Mag-ingat tayo dear readers sa mga ganitong klase ng taong kumakatok sa ating kabahayan.

May mga pamamaraan para tayo makailag sa kanilang pambubudol. Kailangang magtulungan ang magkakapit-bahay sa pagrereport sa barangay, pulis at BFP sa ganitong uri ng modus na maoobserbahan sa inyong lugar.

Previous articleSUGAL NG BAYAN
Next article22 panukalang batas, pipirmahan na lang ni PBBM – Zubiri