NAGULAT ang marami nang naipasa ng Senado ang panukalang batas para sa Maharlika Investment Fund o MIF. Ang huling kabanata na dapat abangan ay ang bicameral conference ng congressmen at senators para plantsahin ang huling bersyon ng batas na pipirmahan ni Presidente “Bongbong” Marcos.
Sa gitna ng maraming agam-agam at katanungan, nakalusot ito pagkatapos ng lampas 11 oras na debate sa Senado. Marami at napakaseryoso ang basehan nang pagtutol laban sa MIF.
Ano ba ang mga malabo sa MIF? Hindi malinaw kung saan talaga mangagaling ang kalakihan ng panimulang pondo. Sino ang malulugi pag pumalpak ang mga proyektong pinuhunan ng korporasyon? Teka nga, ano ba talaga itong MIF? Gobyerno ba ito na papasok sa mga pribadong proyekto o Pribadong korporasyon na gagamitin lang ang pondo ng gobyerno?
Sa totoo lang, hindi naman bibilis ang pagpasa sa panukalang-batas na ito kung hindi nasertipikihan ni Pangulong BBM na “urgent” o napakahalaga na kailangan na itong ipasa bilang batas.
Pero ano ba ang pambansang emergency at kailangan na ma-certify ito na urgent?
Sa akin lang naman, parang maraming mas mahalagang mga problema at isyu ang bansa na dapat unahin at sertipikahan na urgent.
Ang presyo ng bigas, sibuyas at asukal. Ang kakulangan sa classrooms at mga libro, bukod pa sa mga isyu ng korapsyon sa mga laptop ng mga teacher. Ang smuggling ng asukal. Ang dagdag minimum wage. Ang lumilitaw na drug cartel sa loob ng pulisya. Ang mga problema sa kalikasan dulot ng oil spill, Manila Bay reclamation at mga barikada laban sa minahan sa Sibuyan Island at Palawan.
Kung talagang kumbinsido ang mga mambabatas natin sa MIF, suggestion lang naman, dapat sila ang maunang maglagak ng kanilang mga personal na pera at yaman at gawing puhunan ng MIF.
Sana nga maprotektahan hanggang sa huli ang pagbabawal na hindi dapat gamitin ang pera ng Government Service Insurance System, Social Security System, PhilHealth at PAGIBIG sa MIF. Ang mga ito ay pera ng bayan na kailanman ay hindi dapat isinusugal.