Home OPINION MAG-INGAT SA PRIDE MARCH AT KASALAN

MAG-INGAT SA PRIDE MARCH AT KASALAN

MUKHANG paborito ng mga killer na puntiryahin ang mga kasalan.

Unang binomba ang kasalan sa Nigeria at pagkatapos, may rumatrat ding kasalan sa isang lugar sa France

Nasa 18 ang namatay sa Gwoza, Nigeria sa kasagsagan ng selebrasyon ng kasal.

Hinihinalang mga terorista ang may kagagawan sa Nigeria.

At babae pa ang nagsilbing suicide bomber.

Ang nakapangingilabot, may baby pang karga-karga sa likod ng bomber.

Nang pasabugin nito ang sarili, pati baby sumabog din.

Bukod sa mga namatay, umabot din sa 19 ang nasugatan at itinakbo sa mga ospital upang magamot.

Sa Moselle, France naman, isa ang namatay habang nasa tatlo pa ang malubhang nasugatan nang ratratin sila ng tatlong gunman na nakamaskara.

Hinihinala namang alitan sa droga ang dahilan dito sapagkat sangkot umano sa droga ang namatay, gayundin ang mga nasugatan.

Mga Turk umano ang ikinasal na hindi naman nadamay at tanging ang mga biktima lang na nagyoyosi ang tinarget.

PRIDE MARCHES TARGET DIN

Ang United States, nagbababala na anomang araw may aatake rin sa mga pride march na isinasagawa ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender at Queer sa iba’t ibang estado roon.

Kahit na malaki ang pagkilala sa mga LGBTQ sa US, may nasasagap ng pamahalaang Amerika na maaaring magkaroon ng pag-atake mula sa mga militante o ayaw sa mga LGBTQ.

Alalahaning may mga bansang pinapatawan ng kamatayan ang ilang gawain ng mga LGBTQ.

Kabilang sa mga nagpapataw ng parusang kamatayan ang Iran, Saudi Arabia, Brunei, Yemen, Nigeria, Mauritania, Afghanistan at Pakistan.

Hindi kailangan na mga dayuhang galing sa mga nasabing bansa ang killer.

May mga Amerikano mismo na impluwensiyado ng mga anti-LGBTQ at maaaring manggaling sa mga ito ang mga pag-atake at pagpatay.

SA PILIPINAS KAYA?

Ang natatandaan ng ating Uzi, wala pang umaatake sa mga kasalan at LGBTQ sa paraang nabanggit natin sa itaas.

Karaniwang mga simbahan o oras ng misa ang inaatake ng mga militante na kung tawagin ng iba ay mga terorista.

Meron namang binomba noong 2011 sa Zamboanga City pero tila hindi sinadya iyon laban sa kasalan.

Nasa 3 katao ang namatay sa Atilano Pension House pero gawa iyon ng Abu Sayyaf na basta nambobomba ng matataong lugar.

Ngayon naman, dahil sa mga nagaganap na pag-atake sa mga kasalan sa ibang bansa at posibleng laban sa mga LGBTQ, dapat na mag-ingat ang lahat.

Alalahaning may problema ang Pinas sa mga terorista at sangkot sa droga.

Pinakamaganda na ang mag-ingat.