Home METRO Mag-utol utas sa salpukan ng bus at motorsiklo

Mag-utol utas sa salpukan ng bus at motorsiklo

IGUIG, Cagayan – Patay ang mag-utol sa nangyaring malagim na aksidente na kinasangkutan ng isang pampasaherong bus at motorsiklo sa bahagi ng National Highway Baculud, Iguig, Cagayan.

Hindi na umabot ng buhay ang mga biktimang sina Rex Zaldy Tabayan na siyang nagmaneho sa kulay asul na china made motorcycle na walang plaka at ang angkas nitong si James John Tabayan, parehong residente ng Alcala, Cagayan.

Dakong 10:50 kagabi nang mangyari ang aksidente sa pagitan ng isang bus ng Partas na may plakang NAL-7198 na minamaneho ni Eric James Cabana, 38 -anyos, residente ng Narvacan, Ilocos Sur.

Kasalubong ng bus ang motorsiklong sinasakyan ng dalawang Tabayan at pagdating sa pababang bahagi (descending portion) ng highway, sinakop ni Tabayan ang lane ng bus na nagresulta sa nangyaring salpukan (head on collision).

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, tumilapon ang dalawang Tabayan ng halos 150 metro mula sa itinuturing na point of impact.

Pumailalim sa bus ang motorsiklo na sinasabing sanhi nang nangyaring sunog sa pampasaherong sasakyan.

Kung walang mangyayaring aregluhan, kakasuhan ang bus driver ng Reckless Imprudence Resulting in Double Homicide and Damage to Property. Rey Velasco