Home NATIONWIDE Magalong hinamon ng Malakanyang: Ebidensya sa ‘paggamit’ ng 2025 budget bilang election...

Magalong hinamon ng Malakanyang: Ebidensya sa ‘paggamit’ ng 2025 budget bilang election funds ilabas

MANILA, Philippines- Hinamon ng Malakanyang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na patunayan ang mga sinabi nito na ginamit bilang “election fund” ang 2025 national budget.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na mas makabubuti kung makapagbibigay si Magalong sa kanya ng ebidensiya upang sa gayon ay matingnan niya ang mga usapin na nakapalibot sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

“Ginagalang po natin ang pananaw ni Mayor Magalong, pero mas maganda po sana kung magsasalita po siya ay nandiyan na, nakahain na po ang mga ebidensiya na ito ay nagamit sa election fund,” ang sinabi ni Castro.

“Magbigay na lang po siya ng ebidensiya doon para kung mayroon pong issue ay mas maliwanag. Pero kung maibibigay niya po sa amin, sa PCO, kahit po sa akin, mas maganda po kung mababasa ko lahat ng mga ebidensiya niya at ito po ay ating paiimbestigahan,” dagdag niya.

Matatandaang tinintahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 2025 GAA noong Dec. 30, 2024.

Sa ulat, sinabi ni Magalong na may natatanggap na milyong pisong pondo para sa social amelioration ang mga kongresista kapag sumasama sa mga out of town na aktibidad ng House Speaker.

Kapwa pinabulaanan naman nina 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan at 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang pahayag na ito ni Magalong.

Pinasinungalingan din ni Libanan na ginagamit bilang election fund ang 2025 national budget.

Paalala ni Libanan, hindi hawak ng mga kongresista at lalong wala silang kontrol sa pondo ng AKAP, AICS at TUPAD.

Samantala, nakahanda naman ang Malakanyang na tumulong kung talagang may pagbabanta sa buhay ni Magalong.

“Kung mayroon pong death threats sa kaniya, hindi po natin alam kung saan ito galing,” ang sinabi ni Castro.

“Dati naman din po siya na naging parte ng PNP (Philippine National Police), magaling na man po siya mag-imbestiga bigay lamang po niya ang lahat ng ebidensiya at tayo ay tutulong kung totoong may death threats,” aniya pa rin. Kris Jose