Manila, Philippines- Inilunsad na ang all male group na Magic Voyz sa Viva Café. Sila ay hawak ng Viva Records at LDG Productions.
Maganda ang reception ng audience at marami rin ang nakiliti sa kanilang talent, kaguwapuhan, at kaseksihan. Solb ang mga girls at ‘accla’ dahil bagyo ang kanilang dating.
Ito’y binubuo ng pitong miyembro na sina Jhon Mark Marcia, Juan Paulo Calma, Mhack Morales, Rave Obado, Jace Ramos, Ian Briones at si Johan Shane.
Hindi lang sila palaban sa kantahan kundi mahusay rin sila sa sayawan at kadyutan. Bilang baguhan sa pagpe-perform, pasado na sila at may potensyal na lalong gumaling.
Sina Jhon Mark , Juan Paulo at Mhack Morales ay nagbida na sa Vivamax.
Sina Jace at Johan naman ang pambato nila sa kantahan.
Takaw-pansin ang dalawa nang kantahin nila ang ‘Maybe This Time.’
Sa naturang launching at show ng grupo ipinalabas ang music video ng first single nila na ‘Wag Mo Akong Titigan.’ Madaling tandaan ang lyrics, nakaka-LSS.
Sumuporta rin at nag-perform sa nasabing launch ang mga Vivamax siren na sina Robb Guinto, Krista Miller, Yda Manzano, Ayah Alfonso at Marian Saint. Bumisita rin ang ilang stars na sina Marco Gomez at Itan Rosales. Namataan din namin si Jay Manalo, Marlon Mance atbp.
Samantala, happy naman ang kanilang talent manager na si Lito de Guzman sa launching ng Magic Voyz. Na-miss na raw niya ang mag-manage ng grupo kaya binuo niya ito.
Si Lito ang manager ng sumikat na ‘Baywalk Bodies,’ ‘Wonder Gays,’ ‘Milkmen’ at ‘Batchmates’.
Sey niya, “Nakaka-miss ulit ang mag-manage ng grupo. Nakikita ko kasi na patok ngayon ang mga boy group. So, naisip ko bakit hindi ako mag-training ng mga boys na nag-lead na sa mga movies?
“Gusto ko kasi, may patunguhan din ‘yung paghuhubad nila at mai-showcase ang kanilang versatility. ‘Yun bang sexy actor pero may talent, marunong kumanta, at sumayaw aside from acting,” saad pa ng talent manager.
Bakit Magic Voyz ang napili niyang name ng group?
“Magic Voyz kasi inpired ang name nila sa Magic Mike na Hollywood movie,” sambit ni Mother Lito.
Bukod sa “Wag Mo Akong Titigan,” ire-release na rin ang kanta nilang “Bintana” mula sa komposisyon ng miyembrong si Johan. JP Ignacio