SUNOD-SUNOD ang pananalasa ng mga kadenang bagyo noong huling mga araw ng Oktubre at unang linggo ng Nobyembre kung saan maraming mga bayan at lalawigan ang naperwisyo mula Northern Luzon hanggang Bicol Region dahil sa pagbaha at pagkasira ng mga tulay at ibang daanan.
Nariyang nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan na huwag garbohan ang kanilang pagdiriwang ng Pasko o gawing simple lang ang ‘Christmas Party’ upang mai-donate sa mga napinsala ng mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito ang kanilang matitipid sa paggunita ng Pasko.
Kaya naman maging ang Philippine National Police ay nag-utos na simplehan lang ang kanilang gagawing Christmas Party sa bawat tanggapan.
Sabagay, maliit lang naman talaga ang pondong gamit sa paghahanda ng PNP sa kanilang party bilang pagpapasaya lang sa kanilang mga kasama sa kanilang opisina dahil karamihan sa mga pulis na nasa field ay gumagamit ng kanilang mga “asset” para silang gumastos sa kanilang party tulad ng mga regalo at mag-provide ng para sa kanilang handang pagkain kasama ang alak.
Pero ano itong sinasabi ni Department of Finance Secretary Ralph Recto na kumikilos ang gobyerno at ginagawa ang lahat nang makakaya para maging mababa ang presyo ng bilihin bago sumapit ang Pasko.
Sabi ng ani Recto, nais ng pamunuan ni Pangulong Marcos nag awing “Merry” ang Pasko ng bawat mamamayang Pilipino.
Ang pagbabalitang ito ng Batangueñong kalihim ay matapos nakapagtala ng pinakamababang inflation noong Setyembre ang bansa sa loob ng apat na taon.
Sabi pa ni Recto, may ginagawang hakbang ang pamahalaan upang matugunan ang food and non-food inflation sa Pilipinas at isa na rito ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na magagamit upang mapigilan ang malawakang smuggling, hoarding at iba pang illegal trade na pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Maganda ang layunin kung ganoon. Pero ang tanong, kaya bang gawin ang ibinabalitang ito? Mapabababa nga ba ang presyo ng bilihin lalo na ang pagkain bago sumapit ang Pasko. Aba’y ilang tulog na lang at Pasko na.
Sabi ng Department of Trade and Industry walang pagtaas sa presyo ng bilihin hanggang sa katapusan ng 2024 kaya ang ibig sabihin ay walang pagtaas sa presyo ng mga panghanda sa “Noche Buena” at “Medya Noche”.
Kaya lang ano itong ipinaghihimutok ni Albay Rep. Joey Salceda na walang epekto ang tariff reduction na pinairal ng pamahalaan sa pagnanais na bumaba ang presyo ng bigay at iba pang imported na pagkain.
Nagulat si Salceda sa ulat ng Philippine Statistics Authority sa “Murang Pagkain Supercommittee” na bahagyang-bahagya lang naramdaman ang tariff reduction bagaman mula sa 35 porsyento ay ibinaba ang taripa sa 15 porsyento sa rice importation bukod pa sa noong inaasahan ang pagbaba ay panahon ng anihan.
Kinumpirma ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo batay sa kanilang imbestigasyon ay nasa 50 hanggang 60 pesos pa rin ang presyo ng imported na bigas at hindi man lang gumalaw kahit may ipinatutupad na bawas sa taripa.
Kaya naman ang suspetsa ng mambabatas ay rice cartel ang nakinabang sa pagbabawas sa taripa. Syempre kasama rito ang rice importers.
Teka nga, sino-sino ba ang mga rice importer sa bansa? Hindi kaya mga malalapit din sila sa nasa Palasyo?
Ano ngayon ang iisipin ng mga tao? Totoo nga kaya na magiging merry ang Christmas kapag mataas ang presyo ng bigas at ng iba pang bilihin?
Ay naku, ayokong umasa dahil ayokong mabigo. Mali pala. Dapat palang maging masaya ang Pasko para sa mga bata at sa mga nagdusa sa pagbaha na dulot ng sunod-sunod na pagbaha.
Nawa’y matugunan ng pamahalaan ang kanilang pangako na pagbaba ng presyo ng bilihin upang ang karampot na sahod ng mga manggagawa ay magkasya upang makabili ng maayos na pagkain sa kanilang hapag.
Iyon lang sana ay matupad upang ang mga simpleng tao ay maging masaya sa araw ng Pasko.






