Home OPINION PALLIATIVE CARE PINAG-AARALANG IDAGDAG SA HEALTH BENEFITS – DOH

PALLIATIVE CARE PINAG-AARALANG IDAGDAG SA HEALTH BENEFITS – DOH

83
0

IPINAPAALAM ni Department of Health (DOH) Secretary at siya ring chairperson ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) board Dr. Teodoro Herbosa na pinag-aaralan ng kagawaran ang pagdaragdag sa “palliative care” sa mga benepisyong pakete ng health insurance corporation na ilulunsad sa susunod na taon.

Ayon sa kalihim, ito ay para matulungan ang mga pamilyang nag-aalaga ng mga mahal sa buhay na mayroong malalang karamdaman at sinasabing nasa dapithapon na ang kanilang buhay.

Kasabay nito ay nanawagan siya sa palliative care societies at mga eksperto na magsumite ng panukala o rekomendasyon sa Benefits Committee ng PHILHEALTH board na pinamumunuan ng kalihim. Ang mga panukala ay daraan sa actuarial at iba pang teknikal na pag-aaral bago iharap sa pamunuan at pagdesisyunan.

Ang palliative care ay kasama sa mga serbisyong itinakda ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act.

Paliwanag ni Secretary Herbosa, kapag may miyembro ng pa­milya na may malubhang karamdaman, madalas na nagkakaroon ng debate sa pagitan ng mga kamag-anak kung uubusin ang mga pondo at iba pang mapagkukunan upang subukang pagalingin ang pasyente o tanggapin na lamang ang magbigay ng palliative care at mag-ipon ng pera para sa ibang pangangailangan ng pamilya.

Sa bahagi naman ng DOH, pinaplano ang pagtatalaga ng mas maraming doktor na may espesyalisasyon sa palliative care sa mga pampublikong ospital upang tumutok at tumulong sa mga pamil­yang kailangang magdesisyon tungkol sa “end-of-life care”.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang palliative care ay isang paraan upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga pasyente (matanda man o bata) at ng kanilang pamilya na nahaharap sa mga problemang dulot ng mga sakit na banta sa buhay”.

Dagdag pa ng WHO, ang pag-aalaga sa mga naghihirap ay na­ngangailangan ng pagtutok hindi lamang sa pisikal na sintomas.
Gamit ang isang team-based na pamamaraan, tinutugunan ng palliative care ang mga praktikal na pangangailangan at nagbibigay ng counseling para sa mga naiwan, na nagbibigay ng suporta upang matulungan ang mga pasyente na mamuhay nang aktibo hangga’t maaari bago bawian ng buhay.

Ang palliative care ay malinaw na kinikilala bilang bahagi ng karapatang pantao sa kalusugan. Dapat itong ibigay sa pamama­gitan ng person-centered at integrated health services na nakatuon sa mga partikular na pangangailangan at kagustuhan ng indibid­wal na may karamdaman na may pagsangguni sa kanyang pamilya.

Lubhang kinakailangan ang palliative care para sa malawak na hanay ng mga sakit, katulad ng sa mga matatanda na nahaharap sa mga chronic diseases tulad ng cardiovascular diseases, kanser, chronic respiratory diseases, AIDS, at diabetes.

Kabilang din ang mga kondisyon tulad ng kidney failure, chro­nic liver disease, multiple sclerosis, Parkinson’s disease, rheumatoid arthritis, neurological disease, dementia, congenital anomalies, at drug-resistant tuberculosis.

Samantala, inaprubahan kamakailan ng PHILHEALTH ang mga pinalawak na benepisyo para sa atake sa puso, 10 mga pambihirang sakit, preventive oral health sa primary care, peritoneal dialysis, at mga mobility device para sa mga may kapansanan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here