Home OPINION MAGING MABUTING EHEMPLO

MAGING MABUTING EHEMPLO

PANAHON na ng kampanya para sa mga pambansang kandidato. Naglabas ang Comelec ng panuntunan na naghihigpit sa mga pulitiko na magsabit, magdikit o magkabit ng kanilang campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar.

Noong Martes ay pinangunahan ni Pangulong Marcos ang kickoff campaign rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas slate sa kanyang teritoryo sa Ilocos Norte.

Sabi n’ya, ang grupo raw niya ang nangunguna o posibleng manalo sa darating halalan kumpara sa tiket ng oposisyon.

Kung gayon pala, dapat niyang himukin ang kanyang mga kaalyado na manguna sa pagpapakita ng halimbawa sa pagsunod sa mga panuntunan sa kampanya.

Paulit-ulit na lang kasi ang Commission on Elections sa pagpapaalala hinggil sa mga patakaran sa pagpapakalat ng materyales ng mga kandidato na may kaugnayan sa botohan. Dapat sundin ng mga kandidato ang mga polisiya ng Comelec na naglilimita sa campaign period, paghihigpit sa mga ad at pagpapakalat ng campaign materials.

Makabuluhan ang utos na ito ng Comelec upang mabawas-bawasan din ang gastos ng mga kumakandidato.

Ngunit ang mga mambabatas na kumakandidato mismo ay hindi sumusunod sa patakarang ito. Mukhang hindi epektibo ang panuntunan ng Comelec sa mga pasaway at makakapal ang mukhang mga politiko.

Sa ikalawang araw ng “Oplan Baklas”, sinabi ng Comelec na limang kandidato sa pagkasenador ang patuloy sa paglabag sa mga patakaran sa campaign poster. Naglalakihan at nagkalat ang kanilang mga materyales.

Waring patunay ito sa haka-haka ng taumbayan na ang mga kumakandidato, lalo ang mga “manok” ng administrasyon, ay may malaking resources o pondo para sa kanilang kampanya.

Aba’y ipinakita sa Alyansa kickoff rally ang mga poster ng mga kandidato na nakaplaster sa mga dingding ng isang gusali ng pampublikong paaralan, nakakabit sa mga poste ng ilaw, sa mga bakod at nakasabit sa mga wire sa kalye na mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec.

Nag-abiso na ang poll body sa mga kandidato na alisin ang kanilang campaign materials, kung hindi ay madidiskwalipika sila.

Dapat pagsabihan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang mga kaalyado na huwag namang magpasaway.

At ang mga “manok” na ito ng administrasyon ay dapat magpakita ng mabuting ehemplo sa patas na pangangampanya, sa halip na pairalin ang kakapalan ng mga pagmumukha na nakalagay sa kani-kanilang posters.