NUEVA ECIJA- Maagang binawian ng buhay ang magkakapatid na bata habang kritikal ang kanilang ama matapos sumalpok ang sinasakyan nilang tricycle sa motorsiklo, iniulat kahapon sa bayan ng Santa Rosa.
Kinilala ang mga namatay na magkakapatid na sina Macus Santillana, 10; KL, 6; at Mikyla, 2, habang kritikal naman sa ospital ang kanilang ama na si Michael at ligtas naman ang isa nilang kapatid na si Liway, 3, lahat ay residente sa nasabing lugar.
Batay sa report ng Santa Rosa-PNP, bandang alas-11 ng gabi nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Michael ang tricycle sakay ang apat nitong anak galing sa isang 40 days ng kanilang kaanak.
Subalit, habang binabagtas ang kalsada, bigla na lamang bumangga ang tricycle sa motorsiklo dahilan para magtamo ng matinding sugat sa katawan ang mag-aama.
Agad namang dinala sa ospital ang mag-aama subalit idineklara na ring patay ang magkakapatid habang patuloy na inoobserbahan ang kanilang ama.
Humihingi naman ng tulong-pinansyal ang ina ng mga bata para sa pagpapalibing sa tatlo nitong anak na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa masaklap na trahedya. Mary Anne Sapico