Home METRO Magkapatid at pamangkin, patay sa pinalipad na motorsiklo

Magkapatid at pamangkin, patay sa pinalipad na motorsiklo

LAUREL, Batangas- PATAY ang magkapatid at kanilang pamangkin na menor de edad matapos paharurutin ang sinasakyan nilang motorsiklo hanggang sa sumalpok sa center island nitong Linggo, Marso 10 sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Romeo Caiman, 41 anyos, Ronald Caiman, 35 anyos, at 9-anyos na pamangkin nilang lalaki, lahat ay residente ng Brgy. Sta Maria, Laurel, Batangas.

Batay sa report ng Laurel Municipal Police Station, dakong 8:00 PM nang maganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Sta. Maria, ng naturang bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng motorsiklo at paspas umano ang patakbo sa kabila ng walang mga suot na helmet.

Pagsapit sa nasabing lugar, bigla na lamang nawalan ng balanse ang driver ng motorsiklo at sumalpok ang mga ito sa center island hanggang sa tumilapon ang mga ito sa sementadong kalsada.

Rumesponde naman ang mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng insidente at dinala sa ospital ang mga biktima subalit idineklara rin patay ang mga ito ng umatending doktor sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Muli naman nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista lalo na ang mga nagmomotorsiklo na magdahan-dahan sa pagmamaneho at hindi naman kailangan maging mabilis para maiwasan ang aksidente. Mary Anne Sapico

Previous article4 na treasure hunter patay sa paghahanap ng ginto
Next articleP680K shabu nasabat sa 2 suspek sa Olongapo