MANILA, Philippines – Suportado ng Department of Health (DOH) ang Magna Carta para sa mga Barangay Health Workers o BHW sa bansa.
Kasunod ng pag-apruba ng Senate committee sa panukala, nagpahayag ang ahensya ng kahandaan sa pagbibigay ng suporta sa BHWs sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga pamantayan para sa kanilang mga training, accreditation, at integrasyon sa primary care networks.
Ayon sa DOH, hindi lamang magbibigay ng pagkilala sa serbisyo ng mga BHW kundi matitiyak din ang makatarungang sweldo kapag ito ay naisabatas.
Bukod pa rito ang pagtiyak sa seguridad sa trabaho, at access sa angkop na mga pagsasanay para sa kanila.
Kabilang sa suportado ng ahensya sa panukalang ito kabilang ang Health Executive Agenda for Legislation (HEAL) ng kagawaran dahil sa malaking gampanin ng mga BHW sa serbisyong pangkomunidad na naaayon sa mga layunin ng Universal Health Care Act.
Alinsunod din ito sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na bumuo ng mas matatag at patas na sistemang pangkalusugan at maipaabot ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden