Home NATIONWIDE Magna Carta para sa tricycle drivers pagugulungin ng TODA Aksyon Partylist

Magna Carta para sa tricycle drivers pagugulungin ng TODA Aksyon Partylist

Larawan kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines- Tututukan ng mga nominado sa pamamagitan ng TODA Aksyon Partylist na maisabatas na ang matagal nang panukala na Magna Carta para sa mga tatlong gulong sa Pilipinas.

Bilang pangunahing nominado ng TODA Aksyon Partylist, sinabi rin ni dating Valenzuela 3rd term Councilor Robin Feliciano  na tunay na marginalized sector ang tricycle drivers na umabot na sa 1.5 milyon sa buong bansa.

Ayon kay Feliciano, batid ng bawat Pilipino na ang nasabing sektor ay hirap na hirap kumita ng P300 sa kada araw upang mairaos ang pamilya.

Partikular na isusulong ng TODA ang scholarship program para sa mga tricycle driver, pagkakaroon ng SSS, PhilHealth dahil sila ay malapit sa aksidente at sakuna sa kalsada at karamdaman kaya dapat na mabigyan sila ng health benefits.

Dapat din aniyang magkaroon ng pangkalahatang polisiya o guidelines para matutukan ang sektor ng tatlong gulong upang hindi mahirapan sa mga regulasyon.

“Ilan po Yan sa nilalaman ng magna Carta natin– gusto rin natin na magkaroon ng standardized policy Kasi ibat-ibang ang rules ng ating local government,” ani Feliciano. Jocelyn Tabangcura- Domenden