MANILA, Philippines- Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa overseas Filipino workers sa Lebanon kaugnay sa pagapapauwi sa Pilipinas sa gitna ng tensyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel.
Sa ulat, nanawagan kasi ang Israel sa mga indibidwal sa Southern Lebanon na lumikas na, bagay na ginawa nito bago pa ang pag-atake sa Gaza.
Ang naturang panawagan ay ginawa matapos na magpaputok ang Iran ng mahigit sa 180 ballistic missiles sa Israel bilang tugon sa ginawang pag-atake ng Israel sa Hezbollah sa Lebanon.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ng pangamba ang Pilipinas “over increasing tensions in the Middle East marked by Israeli ground operations in Lebanon.”
Kaya nga, hinikayat ng Pilipinas ang lahat ng partido na iwasang pataasin ang karahasan at mangyaring gumawa ng aktibong hakbang patungkol sa mapayapang resolusyon.
Gayunman, nagpalabas ang Israeli forces ng evacuation advisories sa mahigit sa 20 lugar sa Southern Lebanon, kahalintulad sa ipinalabas sa Gaza bago pa ito atakihin sa panahon ng Israel-Hamas War.
“We already have plans in place in various countries that might be affected, including Lebanon. The DMW are working really hard to institute their plan in trying to get arrangements ready for the Filipinos in the area in case they have to evacuate or be repatriated,” ang sinabi naman ni DFA Secretary Enrique Manalo.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit na 11,000 Filipino na naka-base sa Lebanon, mayorya sa mga ito ay matatagpuan sa Beirut.
Nagawa namang kontakin ng DFA ang mga OFWs sa Southern Lebanon, at hiniling sa mga ito na umuwi na ng Pilipinas.
“They have already identified where they are, and they’ve already contacted whom they can contact in Southern Lebanon,”ang sinabi ni Manalo. Kris Jose