MANILA, Philippines- Arestado ang magpinsang gun-for-hire suspects at nakunan ng matataas na armas sa isinagawang operasyon ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa probinsya ng Pampanga, iniulat kahapon.
Sa pahayag ni CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, nadakip ang mga suspek na sina alyas Antonio at pinsan nitong si Ariel, sa Purok 5, Barangay Mapalad Arayat.
Sinabi ni Torre III na si Antonio ay may standing arrest warrants sa kasong usurpation of authority (Article 177 of the Revised Penal Code), illegal possession of firearms and ammunition at illegal drugs.
Nakuha sa mga suspek ang fragmentation grenade, 2- .45 pistols, ang isa ay may silencer; 1- MK-9 9MM sub-machine gun, iba’t ibang klase ng magazines at mga bala, isang Identification Card ng pulis na nakapangalan sa isang Major Antonio Oriendo Cerbito, isang military Identification Card na nakapangalan sa isang Major Antonio Oriendo Cerbito, at mga uniporme nito.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na posibleng ginamit ng mga suspek ang ID at uniporme ng PNP at AFP para sa kanilang ilegal na aktibidades.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) and RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), na may kinalaman sa Omnibus Election Code and gun ban para sa nalalapit na halalan ganun din ang usurpation of authority. Mary Anne Sapico