Home METRO 4 tulak huli sa P605K tobats

4 tulak huli sa P605K tobats

RIZAL- Arestado ang apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga na nakuhanan ng mahigit P605,000 halaga ng shabu sa pinaigting na anti-drug operation ng mga awtoridad nitong Miyerkules sa probinsyang ito.

Batay sa ipinalabas na report ng Region 4A police, nadakip ang isang alyas Regie, taga-Barangay Burgos, Rodriguez, Rizal bandang alas-4:10 ng gabi.

Nakuha kay Regie ang 36 gramo ng shabu na aabot sa halagang P244,800 matapos makabili ang pulis ng halagang P500 na shabu.

Pagdating naman ng alas-7:50 ng gabi ay nadakip ng mga operatiba sina alyas “Abubakar” at “Walid” sa Barangay San Isidro, at nakuha sa mga ito ang limang pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na 38 gramo at nasa halagang P190,400.

Sa inilatag naman na “Oplan Sita” ng mga awtoridad sa bayan ng Baras, bandang alas-11:55 nang madakip ang isang alyas Bryan, taga-Barangay Evangelista.

Ayon sa pulisya, sinita nila ang suspek na nakamotorsiklo dahil wala itong suot na helmet dahilan para hingan ito ng driver’s license at dokumento ng motorsiklo.

Dumukot ang suspek sa kanyang pitaka at cellphone aksidenteng nalaglag ang 13 pakete na naglalaman ng shabu at aabot sa halagang P170,000.

Ang mga nadakip na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico