Home METRO STL supervisor patay sa nakaalitan

STL supervisor patay sa nakaalitan

LAGUNA- Patay ang isang supervisor ng Small Town Lottery (STL) operator matapos tarakan sa dibdib ng nakaaway, kahapon sa bayan ng Pagsanjan.

Kinilala ang biktimang si Mark Angelo de Mesa, 39, at residente ng Barangay San Isidro, Pagsanjan.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilala sa pangalang Angelo, 23, at residente ng Barangay Poblacion Uno, ng nasabing bayan.

Batay sa report ng Pagsanjan police, naganap ang krimen noong umaga ng Miyerkules (Pebrero 26, 2025) sa Barangay Sampaloc ng naturang bayan.

Lumabas sa paunang imbestigasyon, ilang saksi ang nakakita na nag-uusap ang dalawa subalit makalipas ang ilang minuto ay nauwi na ito sa mainitang pagtatalo.

Dito, bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak sa dibdib ang biktima saka tumakas sa hindi malamang direksyon.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doctor.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico